Monday, November 24, 2008

Singapore Humbling Effects & Truths 009

Nalasahan mo na ba ang "I love you" ?



Ano nga ba ang nakahain ngayon tuwing recess sa panahon ng recession? Araw araw, Inaabangan ko ang lunch. Pinakamasayang parte ng araw ko to. Ako na siguro ang may pinaka masarap na pagkain sa panahon ng kagipitan. Sa araw araw na ginawa ng Diyos, sabay kaming nananghali ni Hamsum. Isang ilog lang ang nag hihiwalay sa mga opisina namin. Dahil sa mga iba pa naming obligasyon sa buhay tulad ng nirerentahang bahay, ang makapamasyal pa rin habang nakakakapagpadala ng pera sa mga mahal namin sa Pilipinas at ang maka ipon. Napag isipan namin na magbaon araw araw. Century Tuna, Cheese, Mushroom at Iklog. Dito umiikot ang menu namin. Merong cheese+egg+tuna. tuna+cheese+mushroom. mushroom+ tuna. tuna+egg. egg+mushroom. tuna+tuna+tuna. Iba-iba. Surprise kung ano ang nakahain dahil salitan kami ng pag prepare ng baon. Hindi nakakasawa. Hahaluan pa namin ng masayang kwento at lambingan. Ay, champion!!!

Naka tikim ka na ba ng I love you? Ako, OO. Araw-araw!!!

Saturday, November 22, 2008

Singapore Humbling Effects & Truths 008

Agawan Base


"My momma always said, Life was like a box of chocolates. You never know what you're gonna get." - Forrest Gump

I agree, pero para sakin,

"Life is like playing Agawan Base, you have to touch base to survive."

Tulad ng buhay, ang agawan base ay tagisan ng abilidad at ng bilis. Sa pag sigaw ng "game!", para kang kabayong pinitik sa itlog, kumaripas ng takbo para masakop agad ang base ng kalaban. Sa gitna ng biyahe mo, hindi mo aakalain na meron ka na palang kalaban na sumasalubong sayo. Kelangan mo ngayong mag u-turn at i-save ang buhay mo sa pag hawak sa base ng team niyo. Ligtas ka na ulit. Pero sa susunod mong pag takbo, plaplanuhin mo na maige ang susunod mong diskarte upang wag nang magkamaling muli.

--

Nag simulang bumuo ng pamilya ang mga magulang ko sa isang inuupahang apartment sa Project 4. Nung pinanganak ako, nakalipat na sila Daddy at Mommy, bitbit si Kuya at Ate.
1979 ng naitayo ang bahay namin sa QC.Dito sa bahay na ito nabuo ang pagkatao ko, my values, my decision making at ang standards ko sa buhay ko. Dito ako natuto ng kabutihan at kagaguhan. Pede akong maging ako, na mahal pa rin ako ng nasa paligid ko. Walang reklamo. Walang pagpapanggap, walang pressure, at walang hinihinging kapalit. Masasabi kong ito na ang pinaka-komportableng lugar in the whole wide world.

Tuwing nag aaway kaming mag kakapatid noon, ang tanging bigkas ni Mommy, "nasa langit na kayo, wag niyong gawing impyerno ang buhay niyo." Ngayong nasubukan ko ng malayo at natatanaw ko na ang bahay mula sa labas, totoo nga, ang bahay at buhay namin sa QC ay langit. (Thank you Mommy and Thank you Daddy!)

---

Dalawang taon at anim na buwan na akong kumakaripas ng takbo para
masakop agad ang base ng pag asenso. Unang labas ko to. Hindi ko napansin sa gitna ng biyahe ko, hindi ko inakala na meron na palang kalaban na sumasalubong sakin. Ang pagka Burn out sa lahat ng aspekto ng buhay ko. Nararamdaman kong kailangan ko na mag u-turn at i-save ang buhay ko sa pag hawak muli ng buhay na kinagisnan ko.

Pag naka pahinga na ako at gumagana na ulit ng maayos ang utak ko, plaplanuhin ko nang maige ang diskarte ko para sa susunod kong takbo.



Saturday, November 15, 2008

Why do I love Thee, let me count the why's 012

At Scruffy Murphy's, having breakfast after a very long ride to East Coast Park.
He noticed:

"Ang ganda ng bike ko o! May butterfly."

Tuesday, November 11, 2008

Singapore Humbling Effects & Truths 007

"Near death experience"

Ngayong taon na ito, may birthday gift sakin si God. October 18 ng na-approve ang PR ko. Inaasikaso ko na ang pagpapalit ng employment pass ko to my permanent residency card. Kailangang pumila para sa medical at dalawang beses sa immigrations. Nakakainip!

2 pm ang appointment ko. Pumasok muna ko sa trabaho ng umaga. 11am, may mabuting tao na nagpahiram sakin ng PSP para may mag aliw sakin sa mission ko ngayong araw na ito.

Sinubukan ko ang PSP. Pinakinggan ko ang mga lamang kanta habang nag tratrabaho. Maya maya'y nakaramdam na ako ng kakaiba. Bumilis ang tibok ng puso ko. Ang mga tugtugin ay may dalang alaala ng aking nakalipas. Dark side ika-nga. Agad agad kong binunot ang pagkakasaksak ng earphones sa tenga ko at sinauli ang PSP. Salamat nalamang.

---

Muntikan na ako dun ah! Natanaw kong muli ang blackhole na ilang beses kong nilaglagan noon. Hindi maganda ang lagapak ko nung huli. Nabasag ang puso ko sa 4! Tatlong 1/4 para sa kanila at may 1/4 na natira sakin. Sabog na sabog ako nun. Wasak. Mabuti nalang at may natira ako para sa sarili ko at meron akong pagmamahal na pedeng pinagsimulaang muli.

---

Matindi ang epekto ng music sakin. Ninanamnam ko kasi ang bawat lyrics at nota. Ito madalas ang rason kung bakit ako nahuhulog sa tao. Muntikan na ako kanina, para akong hinihypnotize at di ko mapapansin magigising nalang ako sa ibang mundo. Epekto siguro ito ni Shaider, "Time space warp, ngayun din!"

---

Naubos ang battery ng phone ko mag aalas 4:30 palang. Ayan! Batong-bato ako sa pila! Walang nag aliw sa akin. 6pm na nang matapos ako. Sa bus pabalik sa office, na realize ko na makaka survive naman pala ako kung hindi ko patulan ang mga bagay na magbibigay ng panangdaliang saya lalo na sa panahon ng kahirapan. Kailangan ko lang palang iwasan ang mga temtasyon at mag focus sa pagibig na hawak ko upang makamit ko ang katahimikan. Ganun lang pala eh. Alam ko na ngayon kung anong dapat gawin pag natatanaw ko ang blackhole sa paligid ko. Wag na sana akong mahulog muli.




Singapore Humbling Effects & Truths 006

Rags to riches, blank to bitches - the Singapore effect


May kaibigan si Hamsum na balak gumawa ng magzine tungkol sa mga pinoy dito sa Singapore. Hiningan niya ako ng ideas para dito. Sa buong akala niya siguro ay hindi ko siya papatulan. Frustration ko kaya ang advertising. Wala pang isang minuto ay na arouse na ang utak ko!

Ang suhestiyon ko ay ipakita niya ang epekto ng Singapore sa isang OFW. Before and after baga. Halimbawa:

Ang noo'y pa-tweetums nung college na ngayon ay isang kabit.

Ang noo'y isang manginginom na tambay after graduation na ngayo'y nag papaaral ng mga pamangkin.

Ang noo'y nag top sa board exam, na ngayo'y naging draftsman.

Ang noo'y may pusong lalaki, na ngayo'y isang mabuting ina na.

Ang noo'y laman ng beerhouse, na ngayo'y abot langit na ang respeto sa babae.

At meron din ang noo'y ikakasal na sa Pilipinas, na ngayo'y inlove na inlove na bagong boyfriend.

Iba-iba ang epekto satin ng Singapore. Palagay ko'y lamang ang napabuti. Epekto ng mga di inaasahang pagkakataon, epekto ng pagiging independent, epekto ng pagkamulat sa totoong mundo, epekto ng pangungulila, epekto ng plano ni God.

---

Nabanggit ko ang topic na ito kay Hamsum. Sumang ayon naman siya sa mga nasabi ko at sa mga halimbawang kathang isip lamang. Pinamahagian niya pa ako ng mga natutunan niya sa mga kainuman niyang beterano na dito sa Singapore.

Lesson no.1
Kung dati kang bulok sa Pinas, pag tumagal ka na dito sa Singapore. Di mo na hahayaan ang sarili mong bumalik pa sa dati. Magkaiba na ang tingin mo sa sarili mo at sa mga dati mong tropang tambay.

Lesson no.2
Kung ano man ang nakamtan mo na, hindi mo na hahayaang bumaba pa dito ang mga maari mo pang makamtan. Hindi mo mapapansin ay may nabuo na sayong standards.

Lessons na hindi ko matututunan sa classroom, sa inuman lang. Tagay pa!!

Saturday, November 8, 2008

Singapore Humbling Effects & Truths 005

Red cups na.



Pauwi ako sa overtime kanina. Katabi lang ng bus stop kung san ako sumasakay pauwi ang Starbucks. Walang pambili, kaya sinilip ko nalang ang mga tao sa loob. Napangiti nalang ako ng napansin kong:

Red cups na!

Malapit na pala ang pasko ano? Dito sa Singapore, walang kahit konting simoy ng hangin na magpaparamdam sakin ng lapit kapaskuhan. Siguro kasi matagal na rin akong di napapadpad sa orchard. Marahil lunod na ng christmas lights at christmas balls doon ngayon. Exaggerated na minsan, pero di pa rin nila mabili ang "Christmas spirit".

Sa bus, gustuhin ko man mag munimuni upang ituloy ang dalang alaala ng red cups, kinontra ito ng ingay ng mga nag uusap na intsik na kasakay ko sa bus:

"Ging gang gu di gudi gudiwakwak,
Ginggang goo ginggang goo!"

Demutres na yan oh. Maingay na, hindi mo pa maintindihan. Excited kaya sila sa pasko kaya malakas ang mga boses nila? O as usual, nameomroblema sila sa trabaho.

Less than 50 days nalang, pasko na.
Kung nasa pinas lang ako ngayon, unti-unti na namin pinupuno ng regalo ang ilalim ng Christmas tree na nakatayo na nung October 18 pa.

Pagpasok ko ng mall, pagbukas ko ng radio, madidinig ko na ang himig ng pasko,

Anjan na rin siguro ang mga pulubi na nanghaharana ng karoling sa gitna ng trapik,

Kapansinpansin ang liwanag ng kutitap ng mga parol sa gabi,

Marahil, nabiktima nanaman ako ng Starbucks at kinakalampag ko ang mga tao upang tulungan akong punuin ang stampcard para makakuha ng libreng organizer.

Ang Mommy ko,may gawa ng fruit salad sa ref na sa panahong ito ko lang natitikman.

As early as now, mapipinta na sa mukha ng bawat Pilipino na parating na ang pinakamasayang buwan ng taon. Tila natataranta. Problemado sa hirap ng buhay but half of themselves are pre-occuppied with the thought of Christmas.

Andito ang katawan ko, pero ang puso't isipan ko, bihag na bihag ng Pilipinas kong mahal. Mabuti nalang, marami kaming masayang alaala ni Pilipinas. Gaano man ako kapagod sa libreng overtime, may sapat na rason ako para ngumiti sa byaheng mula office hanggang bahay.

Tuesday, September 2, 2008

Why do I love Thee, let me count the why's 011

(W.W.H.H. in the rain)

"Binilan ako ni Mamang ng Bota nung bata ako kasi bumabaha samin,
pero wala rin, kasi pinupuno ko ng tubig kasi gusto ko basa yung paa ko."

Why do I love thee, let me count the why's 010

After burping like a dinosaur.

"Hay, Thank you.
Si Papang, pagbusog na,
"Salamat sa Diyos!"

Sunday, August 24, 2008

Nanahimik na Tae

Kagabi,
Nakaapak nanaman ako ng tae.
Wala naman akong magawa kung hindi
magtakip ng ilong.
Hindi ko malinis-linis.
Hindi ko naman mahawakan,
hindi ko malapitan,
kasi nakakadiri ang tae.

Di naman ako ginugulo,
bakit ba ako apektado.
Isang tae na nakpwesto
dun sa kabilang kanto.

Ikakaskas ko nalang sa damo,
Papalipasin ang baho,
At sana di na ako ulit mapadpad
sa lugar na may malusog tae.

Saturday, July 19, 2008

Why do i love thee, let me count the why's 009

"Iniisip ko lagi pasayahin ka. Iniisip ko nga - Pag nanalo ako ng pera, pano kita papasayahin eh. Kaso, di naman ako nataya."

-- Happiness is anyone & anything at all that's loved by you.

Thursday, July 17, 2008

Singapore Humbling Effects & Truths 004

T.O.P.A.K.



Be brave little one.
Make a wish for each sad little tear.
Hold your head up though no one is near
Someone's waiting for you.
Don't cry little one.
There'll be a smile where a frown use to be
You'll be part of the love that you see.
Someone's waiting for you.
Always keep a little prayer in your pocket
and you're sure to see the light.
Soon there'll be joy and happiness
and your little world will be bright
Have faith little one
'Til your hopes and your wishes come true.
You must try to be brave little one.
Someone's waiting to love you

Saturday, June 14, 2008

Why do i love thee, let me count the why's 008

"It's nice to think that before, Thurday's is MY basketball day, now it's OUR basketball day!"

--We got game!

Tuesday, June 10, 2008

Singapore Humbling Effects & Truths 003 - Dalawang Paa lang ang Vroom-vroom.


"Lonely Geylang Gurl"

Geylang ang Ermita ng Singapore. Red light district. Tila may rally ng mga "pokpok" umaga, tanghali, gabi. Dito banda nakatayo ang condo kung san ako nakatira. Silang mga laman-for-sale ang nadaraanan ko tuwing pauwi ako galing opisina.

Walang pokpok kanina, mag isa akong rumampa sa Geylang. Maikli kasi ang pinampasok kong damit ngayon, basang-basa at bakat lahat ng pumasok ako ng pinto ng flat namin. Mula MRT hanggang bahay ay nilakad ko lang. Na-puddle ako at naghantay ng matagal para may makasabay sa pagpasok ng gate, nakay Hamsum kasi ang access card ko.

Matapos kong mag window shopping kanina sa Raffles City, bumuhos ang malakas na ulan kaya imbis na mag bus ako pauwi ay nag MRT ako. Mabuti nalang naitabi ko yung supot ng pinakamasarap na egg sandwich sa buong mundo na siyang ni-dinner ko sa loob ng dressing room habang nag susukat ng mga damit. Pag baba ng MRT, tuloy-tuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan. Isinupot ko ang wallet, cell phone, at Ipod. Sabay saksak ng earphones sa magkabilang tenga, sa harana ni Ely Buendia, "Tuwing umuulan at kapiling ka" , wala man akong dalang payong o kapote, nilusob ko ang nakakanginig na lamig ng masaganang buhos ng ulan.

"Rock en roll!"

Wednesday, June 4, 2008

I was raped in Saigon, Vietnam.


May sakit ako. Hindi ko alam saan ko nakuha ito. Natatandaan ko lang, nung Grade 7 ako, nag bakasyon ng 2 buwan si Nanay sa America kaya kinailangan kong matuto sumakay ng jeepney mag isa. 2.50 palang ang pamasahe, simula noon, hindi ko na mapigilan ang pagtuklas ko sa mundo. May nunal ako sa magkabilang paa. Mirror image, exacto, magkatapat. Sila kaya ang may kasalanan? Siguro.

Para sa iba, hindi ito sakit. Sabi ni bunso, bisyo ko daw to. Ito ang nag papa-high sakin, hinahanaphanap ko at katulad ng ibang bisyo, mahirap i-maintain.

Nung nakaraang Chinese New Year, ginamit ko ang mga araw na walang pasok at bumyahe ako mag isa patungong Saigon, Vietnam. Gusto kong subukan ang hangganan ng sarili ko, kaya, pinalipas ko ang isang araw na mag isa ako bago ko pinasunod sila Nanay at Tatay. Ang sarap, ang dami kong natuklasan sa sarili ko. Dumaan naman ng maluwalhati ang gabi sa aking kwarto ng hindi ako binagabag ng mga kalaro kong multo sa utak ko. Kinabukasan, bago ko sila sinundo sa airport, may kumalabit sa sikmura ko. Isang Viet Restaurant na puno ng turista. Alas 8 palang ng umaga eh may mga grupo na ng nag iinuman. Sa aking pag iisa, may lumapit na babaeng gumagapang sa sahig, binentahan ako ng Postcards ng lugar nila. Siguro isa siya sa mga mine victims ng Vietnam War. Wala siyang mga paa, nabasag ang puso ko. Habang pumipili ako ng postcard, dumating ang waitress dala ang menu. Hmmm...Spring Roll!! 2 order sabi ng utak ko, isa sa Postcard vendor, at isa naman para sa akin. And so I ordered. Matapos akong makapamili ng postcards, sinauli ko sa kanya ito at sinabing:

"Come, have breakfast with me!"

Eksakto naman ang pagkahain ng agahan namin. Sinilip niya.2 plato ng Spring Roll, tig-6 na piraso na kasing sukat ng daliri ko. Maganda ang presentasyon katabi ng sawsawan. Nagulat nalang ako ng sinabi niyang:

"No, Thank you."


sinagot ko siya ng:

"Why?"

and with all honesty she said:

"Because I'm vegetarian."

Huwat??! Pakiramdam ko, na Bubble gang ako! Toink!!! ( Ito ba yung part ng kailangan ko na mag funny face?)

Andaya! Pagkatapos ko siyang tulungan, iniwan niya akong may malaking problema. I am also a vegetarian, a pesco-vegetarian. I can only eat seafood and vegetables. Bakit kamo? May napanood ako sa internet, kitang kita ng dalawang mata ko kung pano walang awang pinugutan ng ulo ng mga rebelde ang biktima nila gamit ang bread knife. Malinaw pa hanggang ngayon kung paano unti-unting humiwalay ang ulo sa katawan at ang close-up na pugot na ulo at ang mga laman loob nito sa may leeg. After 5 years of avoiding pig cow and chicken, I fell into this trap where I had to choose between my kaartehan and this value that my Mother
deeply planted in me: Bawal magtapon ng pagkain. Literally! Kelangan pag kukuha ng sawsawan, eksakto lang, kahit na libre pa ito. Pag may natirang Milo at nakita niya ito sa hugasan, babalik niya to sayo at hindi aalis hanggang hindi mo sinisimot. Gather your food. Maraming hindi kumakain. Yang mga butil na tinitira mo, hahanapin mo yan pag tanda mo. Purgatory.

"Oo na, kakainin ko na!!!" Natalo ang kaartehan ko. Bad trip naman o! Nadenggoy ako ng litrato, mukang puro gulay, may giniling na pig pala sa loob. Maraming namamatay sa maling akala. Hindi naman ako namatay, I just felt raped. Wala akong magawa. Inulit ulit niya pa, 12 times! Pakiramdam ko, kumakain ako ng sugat. Galis. Nana. Wala akong nagawa. Isang pitsel na tubig lang ang sumaklolo sakin.

Turo pa ni Nanay, sa mga pagkakataon na hindi mo gusto ang nangyayari
sa buhay mo:

"Offer your sufferings for the conversion of sinners."

Sino kaya yung 12 kaluluwang naligtas ko nung umagang yun?

Why do i love thee, let me count the why's 007

The "Ghost of the Past" visited and bore an awkward minute . .

BEAutiful: Did you greet her?
Hamsum: Bakit ko gagawin yun?
BEAutiful: (silence)

Hamsum: Kelan birthday ni Tugak?
BEAutiful: oh, 1, 2, oh.
Hamsum: February one?
BEAutiful: (taas 1 kilay)
Hamsum: January 20.
BEAutiful" (taas 2 kilay)


Hamsum: Kelan birthday ni Puti?
BEAutiful: September 16 or 18.
Hamsum: Ows, di mo sure?
BEAutiful: Eh kasi, halos sabay sila ni Kiko eh, di ko sure sino mauuna.

BEAutiful: Kelan birthday ni Kris Aquino?
Hamsum: Feb 14!!!
BEAutiful: Yuck, ba't alam mo yun?? Yaaaaak!!!! Hahahahaha!!!
Hamsum: Eh kasi siya lang may birthday ng Feb 14 eh!
BEAutiful: (continues laughter)
Hamsum: Ay hindi pala,

Hamsum & BEAtiful duet: " Si Heart Evangelista din!"

*burst into hardcore laughter and harutan!*

Monday, June 2, 2008

Why do i love thee, let me count the why's 006

"Nung bata tayo, pinapadala tayo ng compas diba?
Eh mag-isa lang ako sa bahay, wala akong matanungan.
Kinuha ko yung sa relo ni Kuya, yung may North East South West.
Pag pasok ko ng school, lahat sila may tusok yung dala,
ako lang yung iba."


--Awwwwww...Hug?!

Why do i love thee, let me count the why's 005

3rd Munthsy Dinner at Da Paolo kanina

while waiting for dinner

BEAutiful
: (Very quiet. Tired eyes)
Hamsum: "Hindi ka muna mag iinternet mamayang gabi ha, pahinga muna."
BEAutiful: (Awwwww...) *Smiles
Hamsum: "Ako naman mag iinternet."
BEAutiful: (Nge.) *Taas ng kilay.

"Count your blessings"

One tick,
Two tock.
What the fuck,
It's not yet even six o'clock!!!

Completed all my chores
blessings now I score
instead of complaning
i keep on counting

Fifty nine tick tock
It's already seven o'clock
Yehey!
It's time to ____.





Sunday, June 1, 2008

Why do i love thee, let me count the why's 004

"Eh bakit mo ako sinasali sa issues niyo?"

--How can he be so cool, calm and calculating??

Thursday, May 29, 2008

"Ang puta ko, ang puta ko, nitagata ang puta ko." (May contain words not suitable for weak tummies)


Naatrasan ng kotse ang alagaang pusa ng pinsan kong si Rey. Dalawang taon palang siya noon, hindi pa buo ang ipin kaya hindi niya mabigkas ng maayos ang mga ibang letra ng salita.

"Ang puta ko, ang puta ko, nitagata ang puta ko" , ang walang magawang bata, nakatulog nalang sa paghihinagpis.

Kakaiba ang karanasan namin ng kapatid kong si Carlo sa mga pusa. Partners-in-crime kami noon. One summer morning, matapos walisin ang mga nalagas na dahon ng puno ng Mahogany sa harap ng bahay namin, excited naming sinidihan ang bundok ng tuyong dahon. Naistorbo ang paglalaro namin ng apoy sa narinig naming tunog:

"Meeoooow,
Meeeeeoooow!"

May 2 bagong panganak na kuting na nangungulila sa kanilang ina. Mabait naman akong bata, but my initial reaction then was to wrap the kittens in a newspaper and made it to a ball. And probably, out of curiosity, binato namin ang mga bolang papel sa bundok na apoy. Hindi ko makakalimutan ang daing ng kawawang magkapatid. Habang lumiliit ang mga bola, lumalakas naman ang mga iyak nila. Ang huling tunog ng matining nilang boses ay humalo sa tunog pagputok ng mga balat at bituka nila. Sa hindi sinasadyang pagkakataon, nabahiran nanaman ng dumi ang musmos na isipan namin ni Carlo.

Ngayong tumanda na ako, minumulto pa rin ako ng alaala ng magkapatid na kuting. Ang laki ng takot ko lalo na pag nagkatinginan kami ng mata sa mata. Pakiramdam ko, kaya nila akong ubusin ng wala akong laban. Ito ang dahilan kung bakit ayoko ng pusa. Ayoko ng kahit na anong may kaugnayan sa pusa. Kahit pa sa mga babaeng parang umiiyak na pusa pag kumakanta.

Logic dictates, ito na siguro ang pinakamaliwanag na dahilan ng mga takot ko sa buhay. Ang mga nagawa kong mali at baluktot, ang mga binalak kong maitim at di marangal na nakatapak sa aking kapwa, ito ang bumuo ng mga takot ko. Minsan, hindi ko man ginusto, nangyari na.
Sa hindi sinasadyang mga pagkakataon, nabahiran nanaman ng dumi ang malapit ng maubos na kamusmosan ng aking isipan. Alam ko na ang modus operandi ng isang taong gustong maging kontrabida sa buhay ko. Sabi nga ng mga matatanda, "Papunta ka palang, pauwi na ako." Yes, it's true, kaya, binabalak mo palang, sinosolusyonan ko na. Ngayon, nagiging mas maingat na akong makasakit at makatapak ng kapwa. All my carefulness now equates to all my evilness in the past. Ang multo ng kasalbahihan ko ang nagiging lason para mabuhay ako ng tahimik because I can't act myself and be myself pag nababalot ako ng takot. Just like with the cat, ayoko ng puta. Ayoko ng kahit na anong may kaugnayan ta puta. Lalo pa sa mga babaeng parang umiiyak na pusa pag nagsasalita.

Indeed, what goes around, comes around. Simple lang naman ang buhay,
"Do onto others as you would wish them do onto you." Just follow the Ethics of Reciprocity, ito ang susi ng matiwasay na buhay.

Monday, May 26, 2008

Why do i love thee, let me count the why's 003

"Pag nanood ako ng TV, binabrush ko yung buhok ko, kinakabahan na nga si Papang sa'kin eh. Lagi pa akong nag papa hot oil noon, mga twice a month."

---Full time Rocker, full time VAIN!

Friday, May 23, 2008

"Tentenen Mode"

Sa kakaunting trabaho
nag papanggap magmukhang problemado.
Tumayo, naglakad, pumunta ng banyo.
Umabot na ng alas sinko,
Dalawang oras nalang, uwian na tayo.

Wednesday, May 14, 2008

Why do i love thee, let me count the why's 002

"Kaya ko lang naman naman nagawa yun kasi gusto ko malinis yung dadaanan mo eh. Hindi ko naman naisip na mapapasama ng ganito yung mang yayari."

-- Sige lang, magpauto ka lang ulit!

Monday, May 12, 2008

Laughter is the best resume.


April 26, 2006, Wednesday nung lumipad ako patungong Singapore. Mahigit dalawang taon na rin ang nakakaraan. US$200 lang ang baon kong pera at kaunting damit. Ang plano ko lang noon ay mag-ventilate, 'time first' muna sa guera, mag bakasyon ng tatlong linggo habang tinutulungan ko ang kabarkada kong umiiyak na sa tambak na trabaho at kumita ng $15 per hour. Alas 7:30 ng gabi, sinundo ako ni Kuya sa airport, nilapag lang namin ang maleta sa bahay nila at hinatid niya na ako sa opisina ng Gurlfriend niya, na siya rin naman ang kabarkada kong lunod sa trabaho. Tamang tama, nag uwian na ang mga regular employees, maari na akong magsimula mag tabi. Tabi ang tawag sa side line dito sa Singapore. Tabing guhit.

Mag alas-12 na ng gabi ng matapos kami. Nag taxi pauwi kasi may taxi claim naman na pedeng singilin sa opisina. Sa dami ng trabaho, pinapasok na ako ng regular hours nang sumunod araw. Alas-9 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi, dineretso pa namin hanggang alas-12 ng gabi. Makalipas ang 1 linggo, may bumulong sa diwa ko, "Testing lang! gawa ka ng resume, mag submit ka bukas", and so I did. Pag uwi ko ng bahay ng kinagabihan hinanap ko ang resume ng Kuya ko para may mapag basihan. One page lang at walang picture. Tumawag ako sa Pilipinas para mag pa email ng sample of works ko. Hayan, handa na akong lumaban sa guera!

Pumasok ako sa part time job ng umaga para lang mag print ng 5 resume. Pagkatapos ng tanghalian, nag simula na akong mag lakadlakad sa Tanjong Pagar. Hinulog ko ang 4 sa Advertising Companies, at ang natitirang isa, sa Woha Architects Pte Ltd. Bilin ni kabarkada ko, mag pasa daw ako dito, gustong gusto niyang makapasok dito dahil bago at magaling daw mag design.Alas-3 ng hapon, tapos na ako. Bumalik na ako para mag tabi. Nag ring ang telepono ko ng alas-5. Tawag mula sa Woha!!! May interview daw ako kinabukasan, alas 5 ng hapon.

Dingdong!

"You called me yesterday and I'm here for the interview.", ang sabi ko.
"Ok, just proceed to the Second Storey and wait for Esther." ang sabi niya naman.

Sa aking pag kakaupo, "Dugdug dugdug dugdug", ang sabi ng puso ko habang kumakanta ang utak ko:
"Come Holy Spirit, I need you.
Come Holy Spirit, I pray.
Come with your strength and your power.
Come in your own special way."

May babaeng papalapit. Nakasalamin, Inchik, mukhang mangkukulot sa parlor.
Umupo siya sa harap ko at inisa isa ang baon ko. Naiinip na ako.
"I checked your website, you don't have Filipinos in your company?"
"We do, we just haven't updated the site."
At nag simula na ang usapan. Tawanan.
"Do you still have other questions?" huling tanong niya.
"What can I do to help this company? huling tanong ko naman.
"Right now, we don't have anything for you. We'll just give you a call whenever."
Huwaaat? Akala ko pa naman, nadenggoy ko na.

Kinagabihan, sabay sabay kami ni Kuya at ng kabarkada kong gurlfriend niya na nag hapunan sa may Chinatown.
Sa kalagitnaan ng masayang usapan naming 3, nag ring ang telepono ko.

Telepono: "Can you start tomorrow, Bia. We have a presentation and we're in need of another hand."
Ako: "You mean, I'm hired? Of course!!! I'll see you tomorrow but I don't have my work papers ready yet."
Telepono: "Ok lah, See you tomorrow. Congratulations."

Susunod na linggo, dito nag Mother's Day ang Mommy ko bitbit ang Transcipt, Diploma at kung ano ano pang importanteng papeles para maayos ang Work Permit ko at dito na nag simula ang independent life ko sa Singapore.


Saturday, April 26, 2008

"Biker Chic"


Linggo nanaman, alas 7:30 ng umaga, gumising akong hilo pa mula sa "Wine-&-Cheese-while-watching-DVD-Night" namin ni Arnel sa aking humble white room. Tumunog ang telepono niya, "autobots, transform and roll out, chiuchiu chiu chiuchiuk". May mensahe mula kay Yna at Christian, isang paanyaya na mag bike sa East Coast Park. Dali-dali kong pinauwi si Arnel para mag handa. Naligo, nagbihis ng proper attire at kinuha ang bike niya sa kanila at pag katapos ay bumalik sa amin.


Uh oh! Iisa nga pala ang bike, buti nalang may mahihiramang Dan. Oo agad ang sagot niya sa text namin. Nakakapagtaka nga naman talaga ang mga pinapagawa sakin ni Arnel. Lulan ang pambaragang downhill mountainbike, inangkas niya ako mula Geylang hanggang Eunos. May 3 kilometro din ng layo. Kinailangan kong umupo sa pagitan ng dalawang binti niya. Nag mistulan akong babaeng babae sa aking pag kakaupo!Wala palang stepnot sa likod ang mga ganitong klaseng bike. Hiyang hiya man ako sa itsura ko, ikinatuwa ko naman ang pakiramdam ng pagdampi ng hangin sa king nakangiting pisngi sa tuwing titingin ako sa aking kanan. Ngunit labis naman ang tuwang naramandaman ko tuwing titingin ako sa kaliwa, close up ang mukha ng gwapo kong nobyo na mas malaki pa sa 2x2 picture. Sobrang lapit ng mukha namin sa isa't isa, wala pang isang dangkal ang layo. Sobrang lapit na kada silip ko sa kanya ay nakakanakaw siya ng halik sa akin.

"Dingdong!"

Lumabas ng pinto si Dan tulak-tulak ang isa pang malupit na pambaragang downhill mountain bike. Pagkatapos ng kaunting ututang dila habang naghahangin ng gulong, tumungo na kami ni Arnel sa East Coast Park.

Dinatnan namin si Yna at Christian lulan ang double seater bike. Aww, ang sweet. And so, the ride begun. Sumusunod lang kami sa direction ni Arnel. Palingon-lingon lang siya para malaman kung nakakasunod pa kami. Mataas ang araw kaya singkit na mata at perfect white teeth ang dulot ng bawat lingon niya. Haaaay!


Kapansinpansin ang dami ng tao. May mga nag pipicnic, may nagpapalipad ng saranggola, may nag ro-rollerblades, nangingisda, nag lalangoy, nag ca-camping, nag jo-jogging, nag mumuni-muni at may mga nakatambay lang at nakikidagdag sa saya ng lugar. Pinakapaborito ko nung umabot kami hanggang sa dulo ng boardwalk. Puro tubig ang natatanaw ko, pakiramdam ko ay nakalakad ako sa ibabaw ng dagat, kasama ko pa ang irog ko. Walang kasing sarap.

Inabot na kami ng alas 12. Isinoli na nila Yna ang arkiladong bike at saka kami tumuloy sa Mcdonalds para mananghali. Usapang kasalan naman ang aming pinanghimagas. Kasal nila Yna at Christian at ng kung sino sino pang barkada nila sa Pilipinas ang nabanggit na hindi ko pa nakikilala kaya hindi ko natandaan ang mga pangalan nila. Uso daw na mas matanda ang bride kaysa sa groom sa grupo nila. Mabuti naman at "IN" pala kami ni Arnel. Binilang din naman ang magagastos nila Jenny at Dan sa kasal nila sa darating na Disyembre. Huwaat!!! 750 thousand Pesoses! Nakupo, Kelangan palang dagdagan pa ang pag sisipag, seryohin ang pag iipon, pagtitipid at mag focus lang sa Can Thoughts.


Mga ala 1 na nung magkayayaan umuwi. Nag paalam kami sa kanila at nag hiwalay ng landas. Tumungo kami sa bahay ni Dan upang isoli ang hiniram na bike at mag pasalamat ngunit nasa galaan na siya. Ginaya ang boses ng isang naka mamang naka Harley, "Come on!" ang sabi ni Arnel, sabay dagdag pa ng hirit na "parang biker chic no?".

OO, kinailangan ko nanaman danasin ang humiliating but very kilig na pag angkas ko kay Arnel. Pagdating sa bahay, dumiretso kami sa gym at nag buhat ng konti at para masulit ang $3.00 tape sa aking injured ankle due to basketball the other Saturday, niyaya ko naman siya mag swimming pagkatapos.


Mahapding nognog na balat at nanunuot na sakit ng katawan ang inabot namin ni Arnel pero masayang masaya naman ako sa dami ng activities na pede naming gawin ng sabay. Never a dull moment, ika nga and this is what makes me look forward to the coming Sundays of our lives.

Tuesday, April 22, 2008

Singapore Humbling Effects & Truths 002 - Bumilang ng Isa hanggang Isang Libo Tsaka Lumabas ng Kwarto

Siesta Sabado, nakatulog sa pag babasa ng libro

BEAutiful: "ZZZZZZZzzzzzzzz"
"zzzzzzzzzzZZZZZZ"

Biglang may pumasok ng pinto.

Buntis: Hindi ko alam, ano 'tong nasa resibo?

BEAutiful: (dumilat) (pinipilit mag ka diwa)
Ahhh, yan yung box ng Lasagna.

Buntis: Ah, okey. (lumabas ng kwarto at nag-accouning na ulit)

BEAutiful: (kumamot nalang ng kulot na sumakit na ulo)
Isa, Dalawa, Tatlong pasensiya,,, Labindalawa,,,
dalawang daan at anim,,,isang libong pasensiya. Game!

(Ayan, pwede nang lumabas ng kwarto.)

Monday, April 21, 2008

Why do i love thee, let me count the why's 001

"Ang gustong gusto ko pang gawin pag nakain ako sa kama,
isasabog ko yung kanin sa kama,
tapos hihigupin ko isa isa,
parang akong vacuum."

---what??!!!

Friday, April 18, 2008

Mga pasundot na correspondence habang nag hahanap buhay 001


From: BEAutiful@datcom.com.sg
To: hamsum@comdat.com.sg
Sent: Fri, 18 Apr 2008 11:06:00 +0800
Subject: poging chef


Dear Hamsum.

Busy?
Kakaburp ko lang, kaya naalala ko mag pasalamat.
Ang galing, talagang Poging Chef ka na ng buhay ko.
Salamat sa masarap na almusal,
Salamat sa pag gisa ng sardinas.
Salamat sa pag sabay sakin kumain ng Sardinas kahit pinalaki kang bawal kumain nun.

Ang sarap mo mag mahal.
Ang galign mo mag alaga ng puso.

Ako pa rin,
BEAutiful


From:
hamsum@comdat.com.sg
To: BEAutiful@datcom.com.sg
Sent: Fri, 18 Apr 2008 11:23:00 +0800
Subject: Re:poging chef


Dear BEAutiful,

Medyo Busy..sunod sunod ang trabaho..pero ok lang naman:-)

amoy sardinas pa ba ung burp?hehehe...ako din e...:-)

walang anuman..ininit ko lng naman ang sardinas...hehehe di naman sa bawal kumain..ayaw lng kame siguro masanay ng papang kumain ng sardinas...pero kumakain din naman ako..:-) ako pa lahat kinakain ko..pwera lng ung may okra at ampalaya..:-)

masarap ka din magmahal BEAutiful..lagi mo kong pinapasaya..kaya laking pasasalamat ko na minahal mo din ako..

Ako din,
Hamsum


From: BEAutiful@datcom.com.sg
To: hamsum@comdat.com.sg

Sent: Fri, 18 Apr 2008 11:44:00 +0800
Subject: Re:poging chef


Dear Hamsum.

Ang kerengkeng mo sumagot ah,
pakainin kita jan ng okra at ampalaya eh,
makita mo.

Ako,
BEAutiful


From:hamsum@comdat.com.sg)
To: BEAutiful@datcom.com.sg
Sent: Fri, 18 Apr 2008 12:03:00 +0800
Subject: Re:poging chef

Dear BEAtiful,

Nyeheheh kerengkeng ba??

wag naman...di ko talaga kayang kumain nun e...di naman ata gulay un e..di naman ata talaga kinakain un...:-) sinubukan ko dati kumain ng ampalaya kumuha ko konti tapos sandamukal na kanin..para di malasahan...hehehe.un ata ung nagluto ung nanay ni itlog na nakakahiya naman di kumain...okra kahit kelan di ko pa nasubukang kainin o tikman man lng...at wala pakong balak gawin un..:-)

Ako na naman,

Hamsum


From: BEAutiful@datcom.com.sg
To: hamsum@comdat.com.sg

Sent: Fri, 18 Apr 2008 12:36:00 +0800
Subject: Re:poging chef



Dear Hamsum.

Eh pano kung mag luto ako ng okra?
tapos lalagyan ko ng madaing madaing cheese...
may free yosi pa!

Masarap pa rin,
BEAutiful


From:hamsum@comdat.com.sg)
To: BEAutiful@datcom.com.sg
Sent: Fri, 18 Apr 2008 12:39:00 +0800
Subject: Re:poging chef

Dear BEAutiful,

Panong luto??...alam ko na...hiwain ung okra ng pinong pinong pino..parang powder na..tapos lagyan mo madaming madaming madaming cheese...!!! ayun e di nakakain nako ng okra..:-) pwede ko pang palaman pa sa tinapay un...:-)

ngak bakit may free pang yosi??...para apakan sa shoes tapos kikindatan kita??:-)

Ang nagaayos ng buhay para sa masarap,

Hamsum


From: BEAutiful@datcom.com.sg
To: hamsum@comdat.com.sg

Sent: Fri, 18 Apr 2008 12:54:00 +0800
Subject: Re:poging chef

Hahahaha...Dear Hamsum,

Hahang galing mo talgahahahahaahang sumaahahahahaahgot...
Grahahahhahahabe....

You hahahhahare soo funny!

Haahahahahahayyy,,,
hahahhaaang sahahhahhayaaaaa sahahahahyaahahah ko taahahahahalahahahagahahah sahahhaayo.

(Bhuuuuuooottttt!)

Oops, excuse me.

Ang pinakamasayang Gurlfriend,
BEAutiful


From:
hamsum@comdat.com.sg)
To: BEAutiful@datcom.com.sg
Sent: Fri, 18 Apr 2008 14:17:00 +0800
Subject: Re:poging chef

Dear BEAutiful,

Hehehehe.....yoko kasi talaga ng okra e..:-)...alam ko lng ginagawa sa okra e gawing stamp..:-)

ako din..masayang masaya ako sayo...lagi akong masaya, lahat ng parts ng katawan from feet and legs,from arms and torso and from the head..(voltron)ay laging masaya:-)

Ang pinakamasayang boyfriend ng pinakamasayang gurlfriend,

Hamsum


Thursday, April 17, 2008

Singapore Humbling Effects & Truths 001 - Tiis at Priorities

Isang umaga sa Geylang Bus Stop
9:12 AM, nag aabang ng bus 2 or 51 papasok ng trabaho


Hamsum: Mag taxi na tayo. (sabay tingin sa relo)
BEAutiful: Akin na yang Ten Dollars mo, iipunin ko pambili ng bahay.
Hamsum: (Hamsum smiles lang)
BEAutiful: Akin na, Akin na, Akin na!!!

Bus 2 then arrives.

Tuesday, April 15, 2008

Rurok ng Kaligayahan


Sumabay si Rose mag simba samin nung Linggo.
Wala kasi si Arczi, 3 weeks siya sa America.
Pagkatapos ng simba,
nakita namin buong barkada ng nobyo ko sa likod ng simbahan, as usual.
Ang ganda ng suot ni Viv, Boho-chic. Pati na rin ang ayos ng buhok niya.
Nakaternong Fink naman sina Dan at Jeny.
Kitang kita naman sina Christian at Yna sa Orange at Green Shirt nila.
Sayang wala pa si Ange, ano kaya ang terno nila ni Aaron?
mag teterno din kaya si Krys at ang wifey niya?
Siyempre kami din ni Arnel,
naka ternong puti,
ternong shorts,
ternong Vans na sapatos,
Lalaking lalake pala suot ko nung Linggo ah.
Arnel na Arnel.

Planado talaga naming 3 ni Rose na bibisitahin namin si Andy sa bago niyang biling tirahan sa Bishan pagkasimba.
Pero nag kayayaan muna kumain sa Food Court sa may Raffles City.
Tsk, Kway Teow, puro mantikang local food nanaman.
Excited pa naman ako sa cooking ni Weng.
Oh well, narinig ko namang tumawa ng marami si Arnel sa mga walang kwentang usapan ng barkada niya,
busog na rin ako dun.

Dumeretso na kami kina Andy pagtapos. Sumama din si Aaron at Krys, mga wala kasing partner.
Pang walong stop galing City Hall MRT.
Dhoby Gaut, Sommerset, Orchard, Newton, Novena, Toa Payoh, Bradell, Bishan.
Ang Layo!!!
Buti nalang may ubod ng gandang babae sa train, parang si Mama Mary.

Pag ka baba, nautusan kaming bumili ng yelo at juice,
"Kahit na anong panghabol ng lasa" sabi Aaron.
Shiet, kutob ko may inuman nanaman.

Meron ding 8 minutes ang nilakad namin mula MRt Station hanggang sa HDB nila Andy.
Buti nalang mababaw ang kaligayahan ng mga kasama ko.
Tanong ni Arnel: Kung nasa kalagitnaan ka na ng lakad mo at kumulo ang tiyan mo, san ka tatakbo, sa Train Station o sa bahay mo?

Pag bukas ng pinto... Tadaaah!
Naks, mukhang parlor na mukhang morge ah.
First class na Parlor naman. Salon.
Black and Red ang motiff.
Hirit ni Aaron: Ayus ah! Bagay dito ang DBS Atm card ko ah!
which, I agree.

Pagtapos ng isang tour, naupo na kami sa waiting area.
Nilabas na ni Andy ang Ibat ibang alcoholic beverages.
Oh no, Tambay Sessions nga.
Tsk! Hindi ako lumaking nakikitambay, hindi ako sanay, nahihirapan ako.
Mainipin kasi ako eh. Ayoko ng walang ginagawa.
Buti nalang, dala ni Rose ang Ipod niya, komportable ang higa ko couch at may mga konteng magazines.
Kuntento na ako ka jamming sa utak ko ang mga bokalista ng ipod ni rose.
Bonus nalang na makita kong humahalakhak si Arnel.
Hindi ko man naririnig ang usapan, sigurado akong masaya siya.

Yehey!!! Naubos ang juice. May gagawin na ako.
Siyempre, sinamahan ako ni Arnel mag hanap ng juice, kahit anong panghabol ng lasa.
May vendo machine daw sa may playground.
Pagtapos makakolekta ng sangkatutak na barya, Takbo!
Goal: Unahan mahanap ang vendo.
Buti nalang may vendo, wala ngang mabibilihan.
Sira pa. Ayaw mag labas ng sikat na inumin.

Pagbalik namin, nakisalamuha na ako.
Ahh...Action Stories pala ang usapan.
Snatchers sa Blumentrit, San Andres Bukid, makulay na buhay ni Krys with the buwayang pulis, aksidente ni Aaron, pagkabasagulero ni Arnel,
Sinko (ano yun? presinto ba yun?) blah blah blah...
tsk, wala ako na share. ganito pala kagulo ang Pilipinas.
Totoo palang what you don't know won't hurt you.
Madalas akong mag overdrive pag madaling araw noon.
Nadaanan ko na yung mga lugar na pinag sasasabi nila.
Kung saan-saang dead end na ang narating ko kakahanap ng Pateros
pero lagi akong umuwing bigo. Hindi naman yata totoo yung lugar na yun eh.

Naubos na siguro ang mga salaysay ng rambulan at pInagbigyan ni Andy si Arnel mag laro ng Wii.
Galing talaga ng generation na ito. Dati dance revo at drums lang, ngayon pati gitara meron na.
Ang sarap sarap panoorin ni Arnel habang tuwang tuwa siyang tipain ang pekeng gitara.
Parang kinikiliti yung puso ko nung makita siyang pumapalakpak sa itaas ng ulo niya sabay ang tiyempo ng magulong tugtog.
Ganadong ganado. Parang bata at parang tunay na rakista at the same time.
Buo na ang gabi ko.

Tanong ni Arnel: Mag kano lahat to?
Andy: S$1000.00 siguro pati gitara.

Sa loob loob ko: Ang mahal naman, dibale, iipunin ko yan, makita lang kitang laging ganyan nasa rurok ng kaligayahan.

Pero, kung di ko man makayanan ipunin yan...oh well, it's the thought that counts.

Saturday, April 12, 2008

Una


Paano ko ba magandang sisimulan ang blog ko?
Bago sa akin ang ganito.
Hanep, sa ikatlong linya ko, may naramdaman na ako.

Ganito pala ito.
Para bang may kausap ako.
Tila may panauhin sa aking harapan.
Anong parte kaya ng pagkatao ko ang kausap ko.
May tenga ba ang utak?
Sino kaya yung nakikinig?

Hello, may tao ba jan?